--Ads--

Ipinaliwanag ng isang constitutional expert na ang pagkakadawit ng ilang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Pilipinas bilang umano’y co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa war on drugs ng kaniyang administrasyon ay nakabase sa mga ebindensyang isinumite sa International Criminal Court (ICC).

Kabilang sa mga pinangalanang kasabwat ng ICC ay sina Senators Ronald Dela Rosa at Christopher “Bong” Go, former Justice secretary Vitaliano Aguire II, at 5 iba pa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, sinabi niya na bagama’t itinatanggi ng mga pinangalanang co-perpetrator ang alegasyon ay hindi umano maikakaila na malaki ang naging partisipasyon ng mga ito sa pagpapatupad ng mga kautusang may kaugnayan sa Extra Judicial Killings noong si Duterte pa ang Alkalde ng Davao at Pangulo ng Pilipinas.

Ito ay makikita aniya sa mga dokumento at public statements ng ilan sa mga sangkot.

--Ads--

Ayon kay Atty. Cayosa, wala umanong basehan ang kagustuhan ng mga Senador na dapat dumaan muna sa lokal na korte ang ipalalabas na warrant of arrest ang ICC laban sa mga kapwa nila Senador upang ito ay maging epektibo.

Aniya, ito ay hindi tugma sa nakasaad sa batas dahil ang Crimes Against Humanity ay kaso sa ICC na kinikilala ng lahat ng bansa kasama na ang Pilipinas na miyembro ng Rome Statute noong mga panahong naisampa ang kaso.

Kung sakali mang may warrant of arrest na ang mga sangkot ay obligasyon ng Pilipinas na ipatupad ito.