Nakakatakot at maaaring magdulot ng seryosong banta sa demokrasya ang mga deep fake video na isinasangkot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst at constitutionalist kanyang sinabi na maaring ginagamit ang mga ganitong video bilang black propaganda.
Aniya hindi na umano bago ang mga ganito lalo na at nalalapit na naman ang halalan sa bansa.
Maaari din umanong ginagamit ito sa isang destabilization plot upang mawalan ang tao ng tiwala sa pamahalaan at sa pangulo.
Ang sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng video ay maaari umanong maharap sa criminal offense at posibleng madagdagan pa ito kung lumabas na ang iba pang detalye.
Kahit umano sa ibang bansa inilabas ang video ay maaari pa ding makasuhan ang may kagagawan na nito.