CAUAYAN CITY – Tanging ang mga District Jails na lamang sa Rehiyon Dos ang Covid 19 free sa bansa dahil hanggang ngayon ay wala pa ring nagpopositibo sa lahat ng piitan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Romeo Villante, ang Regional Chief of Staff ng BJMP Region 2, sinabi niya na malaking tulong ang kanilang ginawang lockdown sa mga tanggapan upang hindi makapasok ang virus sa loob ng piitan.
Aniya mahigpit na sinunod ng mga piitan ang mga health protocols na Ipinapatupad ng pamahalaan upang maging ligtas ang lahat ng nasa loob ng piitan.
Aniya nakatulong din ang hindi muna nila pagpayag sa pagdalaw ng pamilya ng mga PDLs maging ang dalawamput araw na duty ng mga personnel kung saan sila ay nilalockdown din sa loob at kapag natapos ang duty ay saka lamang makakauwi sa kanilang pamilya.
Nagpasalamat naman si Atty. Villante sa mga pamilya ng PDLs na sumunod sa kanilang alituntunin at hanggang ngayon ay nagtitiis na tanging sa E-Dalaw nakikita ang kanilang kapamilya.
Nagpapatuloy naman ang online hearing ngunit may ilang korte ang hindi accesible ang online o mahina ang internet kaya kailangang dalhin mismo ang PDL sa korte para sa kanyang hearing kaya sinusunod na lamang nila ang mga health protocols.
Bago makakapasok sa kanyang piitan ang PDL na lumabas ay kailangan siyang isailalim sa isolation upang matiyak na siya hindi nahawa ng Covid 19.
May kasunduan din ang BJMP at ng PNP sa kanilang pagcocommit ng PDLs sa bilangguan.
Ayon kay Atty. Villlante ginawa nilang by schedule na lamang upang sabay sabay na papasok ang mga bagong bilanggo at iku-quarantine muna upang hindi malabag ang mga health protocols sa loob ng piitan.