Sasailalim na muna sa alternative delivery mode of learning ang mga mag-aaral na apektado sa pagkasira ng hanging bridge sa pagitan ng Barangay Latbang at Pinayag, Kayapa, Nueva Vizcaya.
Ito ay matapos kumalat sa social media ang napaka-delikadong pagtawid ng mga estudyante sa ilog gamit lamang ang lubid upang makapasok sa paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Benjamin Paragas ng Department of Education Region 2, sinabi niya na nakipag-ugnayan na siya sa Schools Division Superintendent ng Nueva Vizcaya na huwag nang payagang tumawid ang mga mag-aaral sa ilog bagkus ay bigyan na lamang sila ng self-learning modules at activity sheets upang matiyak ang kanilang kaligatasan nang hindi nahihinto ang kanilang pagkatuto.
Batay sa datos aabot umano ng mahigit 20 high school students ng Pinayag National High School ang apektado sa pagkasira ng tulay.
Sa ngayon ay mayroon nang nakalaang 3.9 milyong piso na pondo upang maisaayos ang tulay at nang hindi na mahirapan ang mga mag-aaral sa pagtawid.
Nakatakda namang bisitahin ni Dr. Paragas ang nasabing lugar upang matukoy kung malakas ba ang internet connectivity at kung sakali mang hindi ay makikipag-ugnayan sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapalakas ang internet access sa lugar na makatutulong sa mga mag-aaral para sa kanilang asynchronous classes.











