CAUAYAN CITY – Nagkakapunuan na ang mga evacuation centers at hotels sa ilang lugar sa Israel dahil sa dami ng mga lumikas na mga residente mula sa mga pinangyayarihan ng labanan.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Ma. Elizabeth Ramones Daggao, sa kanyang tinitirhan sa Eilat, Israel ay puno na ang mga hotels at evacuation centers dahil sa mga evacuees.
Karamihan sa mga lumikas ay mula sa mga border ng Israel at Lebanon.
Maliban sa inaasahang pagkubkob ng Israel sa Gaza Strip ay pinapalakas din ng bansa ang kanilang defense forces sa border ng Lebanon dahil sa mga pag-atake ng Hezbollah.
Aniya, sa mga nakaraang araw ay maraming mga sasakyang panghimpapawid ng Israel ang laging nagroronda sa lugar dahil sa nasabing mga pag-atake.
Bahagya namang humupa ang paghihigpit ng mga awtoridad sa nasabing lugar ngunit hindi pa rin sila lumalabas ng bahay kahit na day off nila sa kanilang trabaho.
Kapag lumalabas naman sila para bumili ng kanilang pangangailangan ay lagi nilang dala ang kanilang mga passport upang handa sa anumang mangyari.
May mga kabatch naman siyang mga Overseas Filipino Workers (OFW) din sa nasabing bansa na nakatakda na sanang umuwi sa Pilipinas ngunit hindi natuloy dahil sarado pa rin hanggang ngayon ang mga paliparan.
Aniya, nakaplano naman siyang umuwi sa Pilipinas sa buwan ng Disyembre at umaasa siyang magiging mapayapa na sa mga darating na araw upang mabawasan na rin ang kanilang pangamba.