CAUAYAN CITY – Nakauwi na ang ilang mga residente na nagsilikas dahil sa pagbaha na naranasan sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya bunsod ng mga malalakas na pag-ulan na naitala sa nasabing lugar.
Ang mga evacuees ay mula sa bayan ng Bambang partikular sa Barangay Abian, Manamtan at Ubinganan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ervin Lucena, Nueva Vizcaya Operations Center Team leader, sinabi niya na sa ngayon ay humupa na ang baha kaya ligtas na para sa mga residente na bumalik sa kanilang mga tahanan.
Bagama’t passable na ang mga pangunahing kalsada sa Nueva Vizcaya ay mayroon pa ring mga overflow bridges ang hindi madaanan dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga ilog.
Sa ngayon ay naghahanda na ang kanilang hanay katuwang ang mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa banta ng Tropical Storm Gener.
Naka-presposisyon naman na aniya ang kanilang mga rescue equipment na kakailanganin sa pagtugon sa pangangailangan ng mga maaapektuhang residente.