Nakapreposition na ang mga family food packs ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 sa bahagi ng Palanan Isabela bilang paghahanda sa bagyong Kristine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong John Bert Neri, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO Palanan sinabi niya na bago pa man isailalim sa signal no. 1 ang kanilang bayan ay nakapagdistribute na sila ng family food packs sa mga barangay na maaring maapektuhan ng bagyong Kristine.
Isa sa mga barangay na tinututukan nila ngayon ang Brgy. Didaddungan dahil kapag tumaas ang lebel ng tubig sa pinakamalaking ilog na dadaanan patungo sa nasabing barangay ay isolated na ito.
Ipinagbabawal na ang pagdaan ng mga bangka o anumang sasakyang pandagat para makatawid dito dahil sa malakas na agos ng tubig.
Sa ngayon ay wala pa naman silang naitalang lumabag sa panuntunan pangunahin na sa liquor ban at no sail policy.
Nakaactivate na rin aniya ang bawat emergency operation centers ng mga barangay at may naatasan para sa evacuation management sakaling may mga residenteng kailangang ilikas.
Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga residente sa coastal town na iwasan na ang pagpalaot at laging isipin ang kaligtasan upang makaiwas sa anumang hindi kanais-nais na pangyayari.