
CAUAYAN CITY – May mga dumating nang family food packs sa lalawigan ng Batanes mula sa DSWD bilang paghahanda sa magiging epekto ng Bagyog Egay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRM Officer Roldan Esdicul, sinabi niya na nakapreposition na ang isang libong food packs sa ibat ibang LGUs para sakaling kailanganin ay agad nang maikakalat sa mga maaapektuhang mamamayan.
Bagamat maganda pa ang panahon ay kinansela na ang byahe ng Philippine Airlines patungo sa nasabing lalawigan mula martes hanggang myerkules habang ang mga maliliit na eroplano ay may byahe pa rin hanggang bukas ngunit sa araw ng myerkules ay maaaring hindi na rin sila makabyahe dahil sa inaasahang masamang lagay ng panahon.
Sa kasalukuyan ay maganda pa naman ang panahon sa Batanes bagamat napaalalahanan na ang lahat ng LGUs para sa paghahanda sa kanilang nasasakupan.
Patuloy naman sila sa kanilang pakikipagkoordinasyon sa mga bayan pangunahin na sa bayan ng Basco dahil may mga lugar na binabaha rito na dapat tutukan ng mga awtoridad.
Nag umpisa na rin aniya ang mga mangingisda na magligpit ng kanilang mga gamit pangisda pangunahin na ang kanilang mga bangka upang hindi anurin ng malalakas na alon kapag nanalasa ang bagyo.
Nagbibigay aniya sila ng mga lubid o tali na ginagamit upang matiyak na hindi liliparin ng malakas na hangin ang mga bubong ng mga bahay ng mga residente maging ang iba pa nilang kagamitan.










