CAUAYAN CITY – Ipinamahagi na ng Provincial Treasury Office ngayong araw ang mga gagamiting balota at election returns sa 35 na munisipalidad sa Isabela para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa October 30.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Treasurer Ma. Theresa Flores, sinabi niya na nasa 143 bundle ng official ballot para sa Barangay habang nasa 60 bundle naman ang ipinamahagi para sa Sangguniang Kabataan.
Nasa 38 bundle para sa Barangay at 30 naman sa SK ang naipamahaging election returns.
Aniya, naidistribute rin ang mga indelible inks na gagamitin sa halalan.
Direkta namang naidistribute sa mga coastal towns ang kanilang mga official ballot at election returns at hindi na dumaan pa sa kanilang tanggapan upang mas mabilis na maipamahagi sa kanilang mga barangay.
Ayon kay Provincial Treasurer Flores dumating ang mga official ballot at election returns noong Biyernes at ipinamahagi naman ito sa mga Municipal Treasurer ngayong araw ng Martes.
Nagbantay naman sa pamamahagi ang mga kawani ng Commision on Election (Comelec) maging ang Provincial Election Supervisor ng Isabela at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Aniya, napakaganda ngayon dahil mas maaga na naideliver ang mga balota at election returns dahil may mga halalan aniya noon na isang araw na lamang at halalan na ay hindi pa rin dumarating sa kanila ang mga gagamiting balota.