Narekober ng mga awtoridad ang umano’y mga ginamit sa pagpaslang kay PSMS Diane Mollenido at anak nito sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Ayon sa ulat ng pulisya, narekober ang mga ebidensiya bandang 7:15 ng gabi kahapon. Kabilang sa mga nakuhang gamit ang isang unit ng hindi pa natutukoy na brand ng .45 caliber na baril, tatlong magasin, isang pocket gun, at 55 rounds ng .45 caliber ammunition.
Bukod dito, narekober din ang isang plate number na kasalukuyang pinapaverify sa Land Transportation Office (LTO).
Ayon sa imbestigador, nagpunta sila sa bahay ng ina ng isa sa mga suspek na si dismissed na pulis na si Christian Panganiban, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa kapatid ng suspek hinggil sa pagkakadiskubre ng mga ebidensiya na umano’y ginamit sa krimen.
Ang lahat ng narekober na ebidensiya ay dinala sa Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) para sa karagdagang imbestigasyon.











