Sumasailalim sa training ang mga guro ng DepEd sa Cauayan City, kabilang ang mga bagong hire at ilang guro mula sa pribadong paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Gemma Bala ng SDO Cauayan City, sinabi niya na layunin ng pagsasanay na ihanda ang mga guro sa mas pinasimpleng kurikulum na magpapalakas sa kasanayan ng mga mag-aaral sa pagbasa, pagsulat at matematika.
Unang sinimulan ng Department of Education ang Training of Trainers para sa pagpapatupad ng binagong K-10 MATATAG Curriculum, na unang ipinatupad sa Kinder, Grade 1, 4, at 7 sa School Year 2024–2025.
Kasabay nito, inilunsad noong Enero 2025 ang core subject training para sa mga guro ng English, Science at Mathematics upang magamit nila ang makabagong teknolohiya at mga estratehiya sa pagtuturo.
Noong Hulyo 2025, inihayag ng DepEd na ang binagong kurikulum ay magbibigay-diin sa foundational literacy at numeracy at magpapalakas sa senior high school program para sa mas mahusay na paghahanda ng mga estudyante sa kolehiyo at trabaho.
Nakatakda ring isama sa curriculum ang pagtuturo ng responsableng paggamit ng artificial intelligence o AI upang maging handa ang mga guro at mag-aaral sa mga hamon ng digital na panahon.
Bahagi ng training ang pagpapaliwanag sa dahilan ng pagbabago ng kurikulum at ang mga kasanayan, pamamaraan at estratehiya na dapat gamitin ng mga guro sa pagtuturo.
Itinuturo rin ang paggamit ng Information and Communication Technology o ICT bilang mahalagang bahagi ng mas pinadaling pagtuturo.
Isinasagawa ang blended training kung saan may mga face-to-face workshops at online learning sessions gamit ang mga learning platforms tulad ng Khan Academy at Frontlearners.
Nakatuon ito sa pagpapalakas ng kaalaman ng mga guro sa English, Science at Math, at sinusuportahan ng mga demonstration teaching, lesson planning workshops, at collaborative activities.
Kasama rin sa training ang mga resource persons mula sa unibersidad, pribadong sektor at international partners upang masigurong updated ang mga guro sa pandaigdigang pamantayan.
Bawat guro ay binibigyan ng curriculum guides, lesson exemplars at digital resources upang mas madali nilang maisagawa ang mga bagong aralin sa klase.
May follow-up mentoring sessions at monitoring din mula sa DepEd supervisors upang matiyak na maayos na naipapatupad ng mga guro ang bagong curriculum.











