Nilinaw ng ilang barangay official na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng H100 vehicle na inisyu ng lokal na pamahalaan para sa personal na lakad, at dapat itong manatili sa barangay lalo na kapag walang pasok tuwing Sabado at Linggo.
Kabilang ang Brgy. Calao East, sa pangunguna ni Punong Barangay Dennis Cardenas, ang nagsabi na ang sasakyan ay may red plate kaya sakop ito ng mahigpit na patakaran ng pamahalaan kung saan hindi maaaring gamitin sa pribadong gawain tulad ng outing o bakasyon.
Ipinaliwanag nito na ang H100 ay ibinigay ng lokal na pamahalaan sa bawat barangay upang magsilbing serbisyong pang-emergency, kaya dapat itong gamitin lamang kung kinakailangan at sa mga sitwasyong may kinalaman sa kalusugan at agarang tulong sa mga residente.
Dagdag pa ni Cardenas na kumpleto ang kagamitan ng sasakyan kabilang ang oxygen at wheelchair na nakalaan para sa pagresponde sa mga pasyente o residenteng nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Dahil dito, pinapaalalahanan ang mga opisyal at kawani ng barangay na mahigpit na sundin ang direktiba upang matiyak na ang H100 vehicle ay magagamit sa tunay na layunin nito na magbigay ng mabilis na serbisyong pang-emergency sa komunidad.
--Ads--





