CAUAYAN CITY – Nakumpiska ng militar ang maraming baril at bala matapos makubkob ang kampo ng mga NPA sa Carranglan, Nueva Ecija.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Lt. Col. Goerge Bergonia, commanding officer ng 84th Infantry Battalion Philippine Army na matapos ang naganap na sagupaan noong December 5, 2018 sa Pantabangan, Nueva Ecija ay nasundan nila ang mga NPA sa bayan ng Caranglan.
Napasok nila ang kampo ng mga NPA matapos silang nakatanggap ng impormasyon mula sa mga sibilyan na maraming armadong lalaki ang umakyat sa Caraballo Moontain na sakop ng Minuli, Carranglan.
Ayon kay Lt. Col. Bergonia, nahukay nila sa kampo ng Kilusang Larangang Guerilya Caraballo ang arms cache na nakalagay sa dalawang plastic blue na drum.
Ang mga nakumpiska ay pitong M16 rifles, isang Icom radio, 4 short M16 magazines, isang M14 magazine, 20 rounds ng M14 ammunition, 1,100 rounds ng M16 ammunition, 3 improvised explosives device, 5 blasting caps, detonating cord, binocular, 13 cellular phones na iba’t iba ang brand, 4 power bank, 5 chargers, 3 extension chargers, 2 baterya, 11 sim cards at 11 memory adaptors.
Ang nakubkob ng militar na kampo ng mga NPA ay tradisyunal nilang kuta na kanilang binabalik-balikan.
Mayroon din silang mga kampo sa iba pang bahagi ng Caraballo mountains.