--Ads--

Hindi pa tapos ang laban para kina Justine Baltazar, RJ Abarrientos, at Troy Rosario matapos silang hindi mapasama sa final 12 ng Gilas Pilipinas para sa laban kontra New Zealand sa ikalawang window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Bagama’t hindi sila napili sa lineup para sa naturang laro, maaari pa rin silang mapasama sa susunod na laban ng pambansang koponan kontra Australia dahil kabilang sila sa 18-man pool na unang isinumite ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa FIBA bago ang 2nd window.

Kabilang din sa naturang pool ngunit hindi nakasama sa training camp ang naturalized player na si Ange Kouame, Jamie Malonzo, at ang 7-foot-3 na si Kai Sotto.

Samantala, ang bumubuo sa 12-man roster para sa laban kontra New Zealand ay sina June Mar Fajardo, AJ Edu, Quentin Millora-Brown, Chris Newsome, Calvin Oftana, CJ Perez, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Carl Tamayo, Scottie Thompson, at naturalized player na si Justin Brownlee.

--Ads--

Bagong mukha naman sa koponan para sa window na ito si Converge rookie guard Juan Gomez De Liano.

Aminado si head coach Tim Cone na hindi naging madali ang pagpili ng pinal na 12 manlalaro. Gayunman, binigyang-diin niya na ang mga hindi nakapasok sa lineup ay nananatiling bahagi ng programa at maaaring matawag muli sa mga susunod na laro ng Gilas Pilipinas.