
CAUAYAN CITY – Marami ang hindi makumbinsi na magpabakuna at marami rin ang nagmamatigas sa pagpapatupad ng mga opisyal ng barangay sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag palabasin sa bahay ang mga residente na hindi pa nabakunahan kontra COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Liga ng mga Barangay Federation President Dante Halaman, sinabi niya na sa kanilang emergency meeting ay lumabas na marami ang tutol sa nasabing kautusan ng pangulo at iginiit na dapat silang bigyan ng pagkain kapag ayaw silang palabasin sa kanilang bahay.
Gayunman, patuloy nilang ginagawa ang lahat ng paraan para himukin ang mga hindi pa nabakunahan na magpabakuna na.
Maraming barangay kapitan ang nagsasabi na walang executive order para maipatupad at ngunit sinabi niya na hintayin nila ang mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Pinayuhan din niya ang mga kapwa barangay kapitan na ipatupad ang maximum tolerance sa mga patuloy na tutol na magpabakuna.
Ayon kay Barangay Kapitan Halaman, katuwang nila ang mga opisyal ng barangay, mga frontliners, barangay healthcare workers at barangay tanod sa paghimok sa kanilang mga kabarangay na magpaturok na ng bakuna.
Binigyan nila ng dalawang linggo ang mga opisyal ng barangay na pag-isipan ang masamang dulot sa kanila ang kautusan ni Pangulong Duterte na huwag palabasin ang mga opisyal at mga residente sa barangay na hindi pa nabakunahan.
Kung ayaw pa rin nilang magpabakuna ay idudulog nila ito sa DILG at hilingin na magkaroon ng executive order na panghahawakan sa kanilang pagtungo sa bawat barangay para himukin ang mga hindi pa nabakunahan.
Nasa ilalim aniya ng DILG ang lahat ng mga opisyal ng barangay at kung ano ang payo ng IATF National sa pamamagitan ng DILG ay ito ang kanilang susundin.




