CAUAYAN CITY- Mahigpit na binabantayan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang pambansang lansangan sa Cauayan City, Isabela matapos itong gawing paradahan o parking area ng ilang mga motorista.
Ito ay sa kabila ng hinaing ng ilang mamamayan sa lungsod kaugnay sa masikip na daloy ng trapiko dahil sa mga sasakyang nakaparada sa gilid ng daan.
Ayon sa mga residnete na ginawa nga umanong 4 lanes ang daan ngunit sa halip na lumuwag ang kalsada ay mas lalo naman itong sumikip dahil ginagawang parking area ang magkabilaang outer lane nito.
Hiling ng mga concern citizen na maaksyonan ang naturang problema dahil nagdudulot ito ng abala sa mga motorista.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na mayroon lamang limang minuto ang mga motorista upang magparada sa lugar partikular sa harap ng malaking mall at mga bangko.
Aniya, ang limang minutong palugit ay para sa drop and go kung saan may pagkakataon ang mga motorista na magbaba ng kanilang pasahero o sakay.
Base sa kanilang monitoring, alas dos ng hapon hanggang alas tres ng hapon lamang umano dumadami ang mga nakaparada sa harap ng mga establishmento.
Patuloy pa rin naman aniya ang kanilang monitoring kung saan sinisita nila ang mga motoristang hindi sumusunod sa limang minutong palugit.