CAUAYAN CITY – Katuwang ng mga opisyal ng barangay ang mga kabataan sa pamamahagi ng mga relief packs sa Osmeña, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Kabataan Chairman Nikolai Immanuel Bacungan ng Brgy. Osmeña na kaisa ng mga namumuno ng barangay ang mga kabataan sa pamimigay ng mga ayuda sa mga residente ng kanilang barangay na naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Gamit ang pondo ng barangay at Sanguniang Kabataan council ay nahatiran ng mga relief packs ang mahigit isang libong mga residente ng Brgy. Osmeña.
Bukod sa ilang delata at ilang kilong bigas ay minabuti ng sanguniang kabataan ng nasabing barangay na mamahagi ng mga mas masusustansyang pagkain tulad ng monggo, bitswelas at tinapa.
Nagpaalala si SK Chairman Bacungan sa mga kapwa niya kabataan na kung maari ay sumunod sa mga ibinabang mga ordinansa at regulasyon ng mga kinauukulan bilang pagsunod sa ipinapatupad na ECQ.











