--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasamsam ng 501st Infantry Brigade ang samu’t saring Improvised Explosive Device (IED), homemade grenades, mga matataas na kalibre ng armas, mga kagamitan sa paglikha ng land mines, granada, ammonium phosphate, bala at iba pang kasangkapan ng paglikha ng IED sa  Brgy. Nagcanasan, Pilar, Abra.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gen. Ferdinand Melchor Dela Cruz, Commander ng 501st Infantry Brigade, Philippine Army, sinabi niya na ang pagkakadiskubre ng naturang mga kagamitang pandigma ay kasunod ng naganap na sasgupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at KLG north Abra noong April 2.

Ang mga gamit na ito ay nakuha sa kanilang kampo habang tinutugis sila ng mga sundalo na tinatayang umaabot sa tatlumpung miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee.

Ang sagupaan at pagkubkob sa kampo ng KLG North Abra ay bunga ng relentless effort ng Militar para tapusin na ang problema sa insurhensiya.

--Ads--

Aniya, napag-alaman na sinusubukan ng komunistang grupo na marecover ang mga lugar kung saan sila kumikilos subalit sa kasamaang palad ay hindi na sila tinanggap ng mga residente na nagresulta para agad silang isumplong ng mga sibilyan na naging daan upang sila ay matunton ng militar.

Sa tulong ng Lokal na pamahalaan ay inilikas agad ang mga residente ng Pilar, Abra dahil sa pangambang balikan sila ng armadong grupo.

Samantala, isang sundalo ang malubhang nasaktan at kinailangang putulan ng kamay dahil sa matinding sugat matapos na tamaan ng bala sa balikat.

Habang sinisikap na ilabas mula sa lugar ang nasugatang sundalo ay patuloy silang pinapaulanan ng bala ng mga miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee kaya napilitan silang magrequest ng close air support na naging daan para agad madala sa pagamutan ang sundalo.

Patuloy pa rin ang panawagan nila sa publiko na huwag matakot sa komunistang grupo at suportahan ang hakbang ng pamahalaan para tapusin na ang armadong pakikibaka.