--Ads--

CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng mga kaibigan at kaanak ng LGBTQ member na nagtagpuang patay sa gitna ng maisan na puno ng saksak sa barangay Naguilian Sur.

Sa  naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Ernesto Abarca Jr., kaibigan ng biktima, sinabi niya na ang maisan kung saan natagpuan ang bangkay ni Tumicad ay nasasakupan ng circumferencial road sa pagitan ng Naguilian Sur at Naguilian Norte, Lunsod ng Ilagan.

Malapit na kaibigan niya ang biktima at napakabait nito subalit masyadong masikreto dahil walang naikukwento kaya blangko sila sa motibo sa pagpaslang sa kanyang kaibigan.

--Ads--

Nanawagan si Kagawad Abarca sa sino mang nakakita o saksi sa krimen na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan para sa agarang pagkamit ng hustisya sa kanilang kaibigan.

Dakong alas sais ng umaga kahapon ng matagpuan ang wala nang buhay na katawan ni Tumicad sa gitna ng maisan sa barangay Naguilian Sur.

Batay sa imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station, bago ang pagpatay sa biktima ay nagtungo siya sa Barangay Naguilian Sur upang makipag-inuman kasama ang kanyang mga kaibigan.

Nagpaalam siya sa mga kaibigan na may pupuntahan lamang saglit subalit hindi na bumalik.

Nagtamo ng labing-siyam na saksak sa likod ang biktima maliban pa sa sugat nito sa ulo na hinihinalang hinampas ng matigas na bagay na naging sanhi ng kanyang kamatayan.