CAUAYAN CITY- Nananatiling “not passable” o hindi pa rin madaanan ang ilang mga kalsada sa lalawigan ng Nueva Vizcaya matapos ang mga naitalang landslide sa lugar bunsod ng pag-ulan.
Ito ay kinabibilangan ng Nueva Vizcaya – Pangasinan Road at Nueva Vizcaya to Benguet Road.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Acting Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer King Webster Balaw-ing ng Nueva Vizcaya, sinabi niya na bagama’t tapos na ang clearing operations sa NV-Pangasian Road ay minabuti nilang huwag muna itong buksan sa publiko dahil patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan at mayroon pa ding banta ng landslide sa lugar.
Kanina lamang umaga ay isinara rin ang NV – Buenget Road dahil sa naitalang landslide sa Kayapa, Nueva Vizcaya at Benguet ngunit nagtungo na doon ang road clearing operations team ng Department of Public Works and Highways.
Patuloy naman ang kanilang pagbabantay sa bayan ng Kasibu, Kayapa, Aritao, Dupax Del Sur at ang Southern part ng Nueva Vizcaya sa banta ng pagguho ng lupa.
Aniya, maraming lugar sa Nueva Vizcaya ang landslide prone areas dahil mahigit 70% ng lalawigan ay bulubundukin at marami na silang naitala na mga landslide sa lugar pangunahin na ang mga Municipal at Barangay roads.
May mga indibidwal din aniya na stranded sa bayan ng Besong at Kayapa.
Dahil dito ay nagkaroon ng pagbagal sa daloy ng trapiko sa mga road construction areas pangunahin na sa Diadi at Solano.
Pinayuhan naman niya ang mga motorista na babaybay sa Nueva Vizcaya na sumunod sa mga traffic rules, iwasang mag-counter flow at magbaon ng pasensiya para maging maayos ang daloy ng trapiko.