--Ads--

Wala pa ring naisusumite sa tanggapan ng Commision on Elections (Comelec) Cauayan na Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) ang mga tumakbong kandidato sa katatapos na halalan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer, sinabi niya na mahigit isang linggo na ang nakalipas subalit wala pa ring nagtutungo sa kanilang opisina para sa kanilang obligasyon.

Bagaman sa June 11, 2025 pa naman ang deadline ay mas mainam aniya kung aasikasuhin na ito agad upang hindi na makaligtaang magsumite.

Nanalo man o natalo ang tumakbong kandidato ay kinakailangang magsumite ng SOCE dahil hindi nila maikakailang wala silang ginastos sa katatapos na halalan.

--Ads--

Ipinapaalala pa ni Atty. Vallejo na mayroong kaukulang multa sakaling hindi magsumite ng SOCE ang isang tumakbong kandidato at pwede namang mabakante ang posisyon ng nahalal na kandidato.

Ang mga dokumentong ipapasa ay kinakailangang notaryado at may pirma ng kandidato o treasurer ng political party bago ito personal na isusumite sa opisina ng Comelec mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon tuwing Lunes hanggang Sabado kabilang ang holidays.

Sakaling hindi makapunta upang mag sumite ang isang kandidato, maaari namang ang kanyang authorized representative na may Special Power of Attorney ang pumunta.

Hinihikayat pa ni Election Officer ang mga kandidato na huwag nilang talikuran ang kanilang tungkulin sa pagsumite ng SOCE.