CAUAYAN CITY – Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa mga establisyemento sa gitna ng isyu kaugnay sa coronavirus (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Trade Specialist Elmer Agorto ng DTI Isabela, sinabi niya na noong Miyerkules ay nag-ikot ang kanilang mga kasamahan na nagmomonitor sa presyo ng mga bilihin sa lunsod ng Ilagan kasama ang Local Price Coordinating Council ng lunsod gayundin ang PNP at CIDG.
Ito ay upang alamin kung mayroon ng suplay ng face mask, alcohol at mga gamot sa lunsod na pangunahing kailangan ng mga tao ngayon.
Subalit sa kanilang pag-iikot ay napag-alaman nila na wala pa ring stock sa face mask at alcohol sa lunsod.
Sa pag-monitor naman nila sa presyo ng mga pangunahing bilihin ay wala naman umanong nagbago base sa deklarasyon ng DTI sa price freeze.
Ayon pa kay Agorto, kahit naka-quarantine ang ilan sa mga kawani ng DTI Isabela ay patuloy pa rin ang kanilang pagtatrabaho.
Katunayan ay patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Local Chief Executives pangunahin na sa mga Local Price Coordinating Council.
Hinikayat naman niya ang publiko na huwag bumili sa online at iwasan ang mga nagbebenta ng mahal ang presyo pangunahin na ang face mask at alcohol.
Nakiusap din siya sa mga negosyante na huwag samantalahin ang pagkakataon para itaas ang presyo ng kanilang mga paninda lalo na ang face mask at alcohol.











