--Ads--

CAUAYAN CITY – Lumabas sa gusali ng provincial capitol sa Lunsod ng Ilagan ang mga empleado matapos na maramdaman ang 3.6 magnitude na lindol dakong 2:04 kaninang hapon.

Natukoy ang epicenter ng lindol sa silangan ng San Pablo, isabela sa lalim na 24 km at tectonic ang origin.

Gumalaw ang mga chandelier sa Governor’s Office ngunit kalmadong lumabas ang mga kawani.

Ipinatupad nila ang natutunan sa earthquake drill na dock cover and hold pagkatapos ay kinuha nila ang kanilang hard hat at lumabas sila sa gusali sa gabay ng kanilang mga safety officers.

--Ads--

Sinabi ni Ginoong Zaldy Velasco ng Tanggapan ng Punong lalawigan na maayos ang pagbaba ng mga kawani.

Ayon naman kay Ginoong Edmund Guzman, Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Officer na inatasan ang mga provincial engineer na magsagawa ng inspection bago pinabalik ang mga kawani sa loob ng gusali.

Samantala, isang kawani ang isinugod sa ospital ng DART Rescue 831 matapos makaramdam ng pagkahilo dahil sa pagtaas ng blood pressure matapos ang lindol.

Sinabi naman ni Provincial Engineer Virgilio Lorenzo na nagsagawa ng inspection ang 6 na engineer sa gusali ng provincial capitol at sa Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital bago pinabalik ang mga empleado.

Sinabi naman ni SFO4 Hubert Martinez ng Bureau of Fire Protection (BFP) Isabela na walang suliranin sa mga linya ng koryente sa loob ng gusali kaya walang nangyaring power interruption.