CAUAYAN CITY- Mamimigay ang Department of Health ng mga mobile clinics sa lahat ng lalawigan sa buong bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Undersecretary ng Department of Health kanyang sinabi na magsisimula na ngayong araw ang pamimigay ng 83 units sa mga lalawigan.
Aniya mabibigyan ang mga lalawigan sa Region 1, Region 2 at Cordillera Administrative Region.
Layunin umano ng programa na mailapit ang mga serbisyong medical sa mga residente lalo na ang mga hirap na makapunta sa mga medical facilities.
Ang mobile clinic ay mayroong X-Ray, Ultrasound, ECG at iba pang laboratoryo na mapapakinabangan lalo na ng mga nakatira sa mga liblib na lugar.
Mayroon din umanong generator ang mobile clinic kaya gagana pa rin ang mga aparato kahit walang kuryente sa pupuntahan nito.
Inaasahan namang maipapamahagi ang lahat ng mobile clinic ngayong buwan ng Hulyo sa iba’t ibang mga lalawigan.