CAUAYAN CITY- Umabot na sa anim ang naitalang lumabag sa election gun ban sa Nueva Vizcaya simula noong implementasyon ng Election Gun Ban noong Enero 12.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na unang nakapag-tala ang bayan ng Alfonso Castañeda kung saan aksidenteng nabaril ng isang lalaki ang kaniyang kasamahan sa paa; 2 naman ang nahuli sa Solano kung saan ang isa ay nahuli sa Checkpoint habang ang isa nagbitbit ng Airgun sa pampublikong lugar.
Mayroon namang 1 na naitala sa Bayombong kung saan ito ay kinasangkutan ng AWOL na Pulis na sangkot sa kidnapping incident sa Pangasinan habang nahuli rin sa Checkpoint sa Bagabag ang isang violator matapos mailawan sa loob ng kaniyang sasakyan ang isang riffle.
Kaninang madaling araw lamang ay nahuli ng mga kapulisan sa bayan ng Villaverde ang isang lalaki na umaakyat sa bakod dahilan para malaglag ang nakasukbit sa kaniya na Calibre 38.