CAUAYAN CITY – Nakabalik na sa kanilang mga bahay ang nasa 249 Pamilya o 893 na katao na inilikas mula sa mga barangay ng Divilacan, Isabela na malapit sa tabing dagat dahil sa naging banta ng storm surge sa pananalasa ng Bagyong Kristine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LDRRM Officer Engr. Ezikiel Chavez sinabi niya na bagamat sa kanilang bayan naglandfall ang Bagyong Kristine ay hindi sila nakapagtala ng malubhang pinsala.
Aniya, mas malalakas pa ang ulan at hangin na kanilang naranasan ilang oras bago naglandfall ang bagyo at bahagyang humina sa pagtama nito sa kalupaan.
Nakapagtala naman sila ng ilang partially damaged houses sa Barangay Dicaroyan at Barangay Dicambangan dahil gawa lamang ang mga ito sa light materials kaya nasira ito ng bayuhin ng malakas na hanghin.
Maraming puno ng saging naman ang pinadapa dahil sa malakas na hangin sa bahagi ng Uao at naitala rin ang 2.34 hectares ng partially damaged crops, 26 hectares sa gulay, 0.25 hectares sa palay na may kabuuang halaga ng 328,134 pesos.
May 33 Pamilya o 85 na katao pa naman ang nanatili sa 19 evacuation center at siyam na safehouses.
Tiniyak aniya ng kanilang LGU na maibibigay ang pangangailangan ng mga inilikas na Pamilya.
Napakalaking tulong aniya ang pagkukusa ng kanilang mga kababayan na magsilikas na oras na magkaroon ng sama ng panahon kaya hindi sila nahirapang magsagawa ng pre-emptive evacuation.
Hindi rin sila nakapagtala ng anumang landslide sa bahagi ng Sierra Madre at pagtaas ng tubig sa ilog.