CAUAYAN CITY – Kailangang tiyakin ng Deped na ang mga bata ay talagang natututo at nakakatugon sa mga kinakailangan nilang matutunan bago sila umakyat sa susunod na grade o baitang.
Ito ang naging pahayag ng Teacher’s Dignity Coalition sa naging pagkwestyon ni Senador Nancy Binay sa Deped kaugnay sa mga estudyanteng nakatungtong ng higher grade level kahit hindi pa marunong magbasa at marunong sa basic arithmetic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Benjo Basas, Chairman ng Teachers’ Dignity Coalition, sinabi niya na nakakabahala ang ganitong sitwasyon dahil sa sistemang pang-edukasyon ng bansa.
Hinimok niya ang Deped na bigyan ng mas malaking atensyon ang mga batang nasa primary, grade 1 hanggang 3 upang maiwasan na ang nasabing isyu.
Aniya maraming paliwanag ang dapat gawin ng Deped lalo na sa mga nasa mataas na posisyon maging mga guro na in-charge sa pagtuturo na hindi binibigay ang tamang kaalaman sa mga estudyante at dinodoktor na lamang ang mga grades ng estudyante upang sila ay makapasa lamang.
Iginiit niya na ang mga estudyanteng hindi nakatugon sa kinakailangan nitong matutunan ay hindi dapat na umakyat sa susunod na grade o baitang.
Aniya dapat ayusin ng pamahalaan ang sistema ng edukasyon sa bansa at magpatupad ng nararapat na polisiya kaugnay sa nasabing usapin at huwag basta magpatupad ng isang polisiya na hindi napag-aralan ng mabuti.