CAUAYAN CITY – Posibleng payagang manood sa mismong venue ang mga bata sa mga palaro sa Paralympics.
Ito ang isinusulong ni Tokyo Gov. Yuriko Koike kasama ang International Paralympic Committee at Tokyo Paralympic Committee.
Ayon kay Bombo Samurai News Correspondent Lea Bartiquin, ito ay para maipakita sa mga kabataan ang pagsubok na pinagdadaanan ng mga para-athletes at makapagbigay inspirasyon sa mga ito.
Mga elementary at Junior High school students na aabot sa 130,000 hanggang 140,000 ang posibleng payagang manood sa ibat ibang events sa paralympics.
May mga nagpoprotesta naman ukol sa nasabing rekomendasyon at kanilang iginiit na hindi ito maaari dahil patuloy sa pagtaas ng kaso ng Covid 19 sa bansang Japan at mailalagay sa alanganin ang mga kabataan kapag sila ay pinayagang makapanood ng live sa mga venue ng palaro.
Sa kasalukuyan ay apatnapung bahagdan pa lamang sa kabuuang populasyon ng Japan ang nabakunahan na.
Ayon kay Bombo Samurai News Correspondent Bartiquin, kahapon lamang ay naitala ang mahigit dalawampung libong bagong kaso at nasa full capacity na ang mga ospital.
Aniya may mga insidente na rin na hindi na tinatanggap ng mga ospital ang mga dumarating na pasyente ng CXovid 19 dahil puno na ang kanilang covid wards.
May mga proposal na rin na kapag may nagpositibong household ay bibigyan na lamang ng testing kits upang sila na ang magsagawa ng testing sa kanilang sarili sa araw araw na isolation sa kanilang bahay.











