--Ads--

CAUAYAN CITY – Nangangamba ngayon ang mga magsasaka sa lunsod pangunahin na ang mga nagtatanim ng mais dahil sa kawalan ng tubig ulan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, ang City Agriculture Officer, sinabi niya na tagtuyot ang kinakaharap na problema ngayon ng mga magsasaka pangunahin na ang mga nagtanim ng mais.

Aniya sa kanilang isinasagawang field monitoring ay nakikita na ang apektadong pananim na mais dahil sa kawalan ng ulan sa nagdaang mga linggo.

Namumulaklak na ang ilang mga tanim na mais sa lunsod at kailangan na nito ang tubig ulan upang matustusan ang reproductive stage nito.

--Ads--

Sakaling makaranas ng pag ulan ay may tiyansa pa namang makrekober ang mga tanim na mais na nasa vegetative stage ngunit ang mga nasa reproductive stage na ay mahihirapan nang makarekober at kung makarekober man ay maliliit na ang bunga.

Magpapatuloy naman ang monitoring ng City Agriculture Office sa bilang ng mga magsasakang apektado upang mailagay sa kanilang report na ipapasa sa Provincial at Regional Office ng Department of Agriculture.

Magiging basehan ang ipapasa nilang report sakaling magbibigay ang kagawaran ng tulong sa mga apektadong magsasaka.

Pinaalalahanan naman ni Engr. Alonzo ang mga magsasakang apektado na ipaalam sa kanilang nakatalagang Agriculture Extension Worker maging sa kanilang brgy officials at magpalista upang mapabilang sa makakatanggap ng tulong sakaling may ibibigay ang Kagawaran ng Pagsasaka.

Ang bahagi ng pahayag ni Engr. Ricardo Alonzo.