Bagamat tuluyan nang nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Ramil, iniwan nito ang matinding epekto sa kabuhayan ng mga magsasaka sa Ilagan, partikular sa mga nagbibilad ng mais sa gitna ng Abuan River.
Isa sa mga pangunahing suliranin ay ang hirap ng mga magsasaka na ilikas ang kanilang binilad na mais, matapos bahain ang lugar dulot ng biglaang buhos ng ulan bago tuluyang humupa ang bagyo.
Ayon sa ilang residente, mabilis ang naging pagtaas ng tubig kaya’t hindi agad naisalba ang mga mais na naka-latag sa gitna ng ilog para patuyuin. Ang ilan ay gumamit ng bangka upang isalba ang natitirang tuyong mais, ngunit marami rin ang nabasa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Geralyn Gangan, ang head ng CDRRMO Ilagan, maraming mga magsasaka ang naapektuhan sa Bagyong Ramil dahil sa patuloy na pag-ulan ay umapaw ang tubig dahilan upang nahirapang itawid ng mga residente ang sako-sakong bilad na mais. Sinabi din niyang nakahanda ang lokal na pamahalaan at agad nagpatupad ng safety measures noong kasagsagan ng masamang panahon.
Inihayag din niya na umabot sa critical level ang tubig sa Abuan River, dahilan upang itigil ang lahat ng water activities sa lugar bilang pag-iingat.
Samantala, ilang kalsada at tulay rin ang pansamantalang hindi nadaraanan noong mga oras ng pagbaha. Kabilang dito ang Cabisera 8 Overflow Bridge sa Santa Maria, Baculud Overflow Bridge, at ang kalsadang nag-uugnay sa Bagumbayan at Baculud sa Circumferential Road.
Nagpaalala naman ang CDRRMO sa publiko na manatiling mapagmatyag sa pabago-bagong lagay ng panahon, at lalo na sa mga magsasaka, na muling suriin ang lokasyon ng kanilang pagpapatuyo ng ani upang maiwasan ang parehong sitwasyon. Dagdag pa nila, mahalaga ang maagap na pag-aksyon upang maprotektahan ang kabuhayan sa gitna ng mga hindi inaasahang kalamidad.
Home Local News
Mga magsasaka, nahirapang ilikas ang binilad na mais sa gitna ng Abuan River; Ilang ani, binaha at nabasa matapos tumaas ang tubig sa ilog
--Ads--











