Patuloy pa rin ang mga reklamo ng ilang residente sa mga barangay sa Lungsod ng Cauayan kaugnay ng mga motorsiklong may open pipe o modified mufflers na nagdudulot ng labis na ingay, lalo na tuwing madaling araw.
Ayon kay Kagawad Allan Castillo ng Barangay District III, ilang beses nang nagrereklamo ang mga residente, partikular na sa Pillar Street, dahil sa istorbo ng mga motor na may bukas na tambutso.
Aniya, naaapektuhan na ang maayos na pagtulog ng mga mamamayan dahil sa ingay na dala ng mga ito.
Dagdag pa ni Castillo, agad nilang inaaksyunan ang mga reklamo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Public Order and Safety Division (POSD) at sa Philippine National Police (PNP).
Sa tulong ng mga CCTV camera na nakakabit sa kanilang barangay, natutukoy at nahuhuli ang mga lumalabag.
Kadalasan, ayon sa opisyal, ang mga nahuhuli ay mga taong nakainom at hindi residente ng Cauayan City.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pilarito Malillin, Chief ng POSD, sinabi nitong malaking hamon din sa kanilang hanay ang mga motorista na nagsasagawa ng illegal drag racing sa mga bypass road ng lungsod.
Kamakailan lamang, nakahuli ang POSD ng ilang motorista na sangkot sa ganitong aktibidad sa Bypass Road ng Barangay Nungnungan.
Tinatayang halos isang daang katao ang naroon nang datnan sila ng mga awtoridad.
Agad namang nagsitakbuhan ang karamihan, ngunit limang indibidwal ang nahuli.
Ayon kay Malillin, kinuha at sinira nila ang mga muffler ng mga nasabing motorsiklo, habang kinumpiska rin ang mga driver’s license ng mga ito at pinatawan ng multa.
Pinaalalahanan ni Malillin ang publiko na iwasan ang paggamit ng open-pipe mufflers at ang pagsasagawa ng illegal drag racing, dahil ito ay labag sa batas at banta sa kaligtasan ng mga mamamayan.











