Pinakakasuhan na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang walong kongresista na sabit sa maanomalyang flood control projects.
Ito ang inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nang pormal na isumite ng ICI sa Ombudsman ang resulta ng imbestigasyon nito hinggil sa flood control mess.
Gayunman, sinabi ni Remulla na hindi natatapos ang pag-imbestiga tungkol sa anomalya sa flood control projects dahil sa walo lamang na mambabatas mula sa Kongreso ang pinakakasuhan ng ICI.
Bago ito, sinabi ni ICI chairperson Andres Reyes, Jr. na hanggang sa March 31 na lang ang kanilang operasyon dahil naisagawa na nila ang kanilang mandato na imbestigahan ang umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa.
Ani Reyes, bagamat ang ICI ay umakto lamang bilang isang collegial body sa loob ng 90-araw, nagawa nitong makapagsumite ng siyam na referrals, na sumasaklaw sa 65 na indibidwal sa Office of the Ombudsman.
Matatandaang nilikha ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang ICI noong Setyembre 2025 bilang isang non-partisan fact-finding body na mag-iimbestiga sa umano’y mga anomalya sa flood control projects at iba pang infrastructure projects sa nakalipas na 10 taon.
Tatlo ang dating miyembro ng ICI ngunit una nang nagbitiw ang dalawa sa mga ito na kinabibilangan nina Rogelio “Babes” Singson at Rossana Fajardo.










