--Ads--

CAUAYAN CITY– Nakikiisa ang grupo ng mga manggagawang pangkalusugan sa petisyon ng mga labor group para sa pagtaas ng arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni G. Jao Clumia, presidente ng Employees Association ng St. Luke’s Medical Center o SLMC na mababa pa rin ang sahod ng mga healthcare workers na hindi sakop ng National Capital Region.

Ito ay bunga aniya ng hindi pare-parehong pasya ng mga Regional Wage Board sa mga nagdaang taon sa petisyon na itaas ang sahod.

Ayon kay G. Clumia, nakikipag-ugnayan na sila sa malalaking labor group bukod sa Bukluran ng mga Manggagawang Pilipino para sa pakikipagdayalogo sa RWB na sasabayan nila ng rally sa labas ng DOLE sa NCR sa March 28, 2022.

--Ads--

Hindi sila umaasa aniya sa subsidy ng pamahalaan dahil hindi ito pangmatagalang solusyon sa suliranin sa mataas na presyo ng mga bilihin.

Inamin niya na silang nasa pribadong ospital ay sapat naman ang kanilang buwanang sahod dahil sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) at mayroon pa silang ibang benepisyo.

Sumusuporta sila sa petisyon ng mga hindi organisadong labor group para mas malakas ang panawagan na itaas ang sahod ng mga manggagawa.

Bahagi ng pahayag ni G. Jao Clumia