--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasamsam ng mga awtoridad sa pagsisilbi ng search warrant sa dalawang barangay sa Cauayan City ang mga droga, bala at iba’t ibang kontrabando.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, isinilbi ng pinagsanib ng puwersa ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station, Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), region 2 ang search warrant na inilabas ni Judge Reymundo Aumentado, presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Cauayan City sa Nungnungan Dos at District 1, Cauayan City.

Ito ay dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na nagbunga sa pagkaaresto ng suspek na si Joey Uy, 34 anyos, may asawa at residente ng Nungnungan 2, Cauayan City.

Nasamsam sa barangay Nungnungan 2 ang tatlong piraso ng pinatuyong dahon ng Marijuana na nakabalot sa aluminum foil at plastic, tatlong box na naglalaman ng pinatuyong dahon ng Marijuana, isang transparent plastic na naglalaman ng hinihinalang abo ng Marijuana, isang pack ng chemical, isang pack ng plastic ziplock, netbook, gunting, cutter, apat na bala ng cal. 45, limang bala ng Cal. 9mm, limang incubating led light machines, incubating cabinet, jack, vape na may hose, garapon, isang pouch na may laman na transparent plastic ziplock, dropper, isang sako na may lamang hydroponic nutrients, anim na pack ng  ziplock na may lamang aluminum emergency blankets, apat na piraso ng pipe tubes, 39 na plastic droppers, isang aluminum pipe at 7 seedling trays at kaldero.

--Ads--

Nakuha naman sa barangay District 1 ang isang box na naglalaman ng pinatuyong dahon ng Marijuana, plastic bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng Marijuana  at may stalks, tatlong paso na may Marijuana seedlings, 9 na piraso ng incubating led lights, tatlong carbonized filters, isang box na may lamang aluminum exhaust tube, dalawang piraso ng portable digital weighing scale at 12 paso na may lupa.

Dinala na sa Cauayan City Police Station ang suspek at mga nakumpiskang kontrabando para sa masusing imbestigasyon at kaukulang disposisyon.