CAUAYAN CITY – Umabot sa isandaang market vendor ang lumahok sa isinagawang Digital Cash Payment Caravan ng Department of Trade and Industry o DTI sa Tumauini Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mel Marie Angelo Laciste, Trade and Industry Development Specialist ng DTI Isabela, sinabi niya na layon ng nasabing Caravan na ipabatid sa mga negosyante ang kaalaman patungkol sa Digital Cash Payments bilang alternatibo nilang opsyon sa mga consumer na nais magbayad gamit nito.
Aniya pinopromote nila ang digital cash payments dahil mas efficient ito, mas ligtas at convenient pa ang transaksyon.
Kasama ng DTI ang mga pribadong partners nito gaya ng BayadTel na nagpauso ng mga bayad centers at ang GCash na isa sa mga sikat na E-money platform sa Pilipinas.
Katuwang din nila sa Caravan ang Bangko Sentral ng Pilipinas na unang naipromote ang PalengQRPh na programa ng BSP para sa mga market vendors.
Unang sinimulan ang Caravan sa Santiago City, Cabatuan, Aurora, Cabagan at sa Tumauini.
Nilinaw naman niya na hindi tatanggalin ang tradisyunal na cash payment method dahil gagawin lamang alternatibo ang digital cash payment lalo na sa mga consumer na nais magbayad gamit nito.
Nais ng DTI na masubukan ng mga market vendors ang kagandahan ng paggamit ng digital cash payments lalo na kapag maraming taong bumibili at nahihirapan sa tradisyunal na cash payment method.
Mas madali rin aniya ang pagtrace sa sales ng negosyo kapag gumamit ng digital.
Ilan sa mga ito ang itinuturo ng DTI sa kanilang Caravan na isasagawa sa buong buwan ng Agosto sa iba pang LGUs.