CAUAYAN CITY- Muling nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at rebeldeng New Peoples Army o NPA sa Sanguit, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.
Ang engkuwentro ay naganap sa pagitan ng 72nd Division Reconnaisance Company at hindi pa mabatid na bilang ng mga kasapi ng NPA na nasa ilalim ng Venerando Villacillo Command.
Matapos ang ilang minutong palitan ng putok ay tumakas ang mga rebeldeng pangkat patungong silangang direksiyon.
Walang nasugatan sa panig ng tropa ng pamahalaan at di nila mabatid kung may nasugatan sa panig ng mga rebelde.
Nakuha sa pinangyarihan ng labanan ang dalawang M14 armalite rifles, dalawang magazine ng M14 Armalite rifle, 15 piraso ng bala ng M14 Armalite rifle at isang plastic bag na may dalawang kilo ng bigas at dalawang delata.
Nagsasagawa na ng blocking force ang iba pang tropa ng pamahalaan upang masukol ang mga rebelde at maiwasang magawi sa iba pang barangay ng Dupax Del Sur.
Nauna rito, noong nakaraang linggo ay nagkaroon ng labanan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at rebelde sa Sitio Minanga , Sanguit, Dupax Del Sur na nagresulta ng pagkamatay ni Corporal Denver Banban.




