CAUAYAN CITY – Buong puwersa ang mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) region 2, Philippine National Police (PNP) at Philippine Army na nagtungo sa Dicamay Uno, Jones para tutukan ang special election at matiyak ang seguridad ng mga mamamayan sa nasabing barangay.
Dumating sa lugar para makita mismo ang sitwasyon doon sina Regional Director Julius Torres at Asst. Regional Director Jerby Cortez ng Comelec region 2, Col. Laurence Mina, commander ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army at Lt. Col. Remigio Dulatre, commander ng 86th Infantry Battalion.
Dumating sa lugar para makita mismo ang sitwasyon sina Regional Director Julius Torres at Asst. Regional Director Jerby Cortez ng Comelec region 2, Col. Laurence Mina, commander ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army at Lt. Col. Remigio Dulatre, commander ng 86th Infantry Battalion.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Torres na maganda ang koordinasyon para sa mahigpit na seguridad sa polling center na ibinibigay ng mga pulis at sundalo.
Mahalaga aniya ang resulta ng halalan sa Dicamay I para matukoy ang mga mananalong municipal councilor ng Jones, Isabela.
Ito rin ang isa sa mga hinihintay na resulta ng halalan para sa pagproklama ng mga senador at partylist.
Ayon kay Regional Director Torres, may nakahandang pamalit sakaling magkaroon ng aberya ang VCM at sd card na ginagamit sa special election.
Bumuo na aniya ang PNP ng Fact Finding Investigation para matukoy ang mga suspek at utak sa pagsunog sa dalawang VCM mula sa Dicamay I at Dicamay II, Jones noong May 14, 2019.
Naniniwala rin si Atty.Torres na dahil sa naganap na election-related violence sa Jones ay mananatili ang bayan ito sa election hotspot red category sa halalan sa taong 2022.
Samantala, unang inihayag ni Election Officer Harold Benedict Peniaflor, chairman ng Special Electoral Board (SEB) na mas mataas ang turnout ng special election sa mahigit 500 na bumoto noong May 13, 2019 mula sa 768 na registered voters ng Dicamay I, Jones, Isabela.
Samantala, nagsikap ang Bombo Radyo Cauayan sa pamamagitan nina Bombo Jonel Ganio at si Bombo Kervin Gammad na nagtungo mismo sa malayong barangay ng Dicamay I para maihatid ang mga kaganapan sa pagdaraos ng Special Election.
Dahil mahirap ang signal ng komunikasyon sa nasabing barangay ay isinasabit ni Bombo Kervin ang kanyang cellphone sa mataas na bahagi ng community center para magkaroon ng signal at maireport ang mga pangyayari at makapanayam ang mga pinuno ng Comelec at opisyal ng barangay kaugnay ng ginaganap na espesyal na halalan.