Nagkasa ng hunger strike ang mga Meat vendor partikular ang mga nagtitinda ng baboy sa Public Market bilang hakbang sa panawagan nilang ibaba ang presyo ng live weight.
Dahil sa ilang araw ng walang naglalako ng karne ng baboy ay napipilitan na ang mga mamimiling dumayo sa mga karatig bayan para mamili.
Umalma ang mga vendor matapos na sumampa sa 240 per kilo ang live weight ng baboy subalit hindi pinayagan ng Pamahalang Lokal na maibenta ang kanilang mga paninda sa halagang 350 pesos kada kilo.
Nanindigan ang mga kinauukulan na may umiiral na ordinansa sa naturang bayan na nagsasaad na ang kada kilo ng baboy ay hindi dapat tataas sa 320 pesos kada kilo.
Pahayag ng Echague Market Office na hindi nila maaaring pagbigyan ang kahilingan ng mga meat vendor dahil sa lalabag ito sa Municipal Ordinance na umiiral sa Bayan.
May proseso din umano na dapat sundin sa paghiling ng taas presyo na tatagal ng dalawang Linggo dahil ito ay pag-aaralan pa ng konseho bago maaprubahan.
Iginiit ng Meat Vendor Association President na si Jojo Amboy na magpapatuloy ang kanilang hunger strike hanggat hindi mapagbigyan ng Munisipyo ang kanilang kahilingan.
Ayon sa kaniya malaki ang lugi o halos wala na silang kinikita dahil sa umiiral na ordinansa na sumasakop sa presyo ng karne ng baboy at masyadong matagal ang dalawang Linggong paghihintay para sa approval ng konseho kaya napilitan silang ibenta ang kanilang produkto sa presyo na kanilang gusto.
Hindi naman maiwasang makaapekto sa iba pang mga vendor ang isinagawang hunger strike ng mga meat vendor dahil napipilitan silang maghanap ng mas mababang presyo ng karne ng baboy sa mga karatig bayan tulad ng Bayan ng Jones at Lunsod ng Santiago.