Ilang indibiduwal ang muling nahuli ng ilang opisyal ng Barangay Tagaran na nagtatapon ng basura sa hindi tamang tapunan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob, sinabi niya na magkakasunod nilang nahuli at naaktuhan ang ilang indibiduwal habang nagtatapon ng basura sa likod ng BGDY complex, partikular ang dalawang menor de edad na gumamit ng kolong-kolong na kapwa residente ng Municipal Housing ng Cabaruan.
Sari-saring basura aniya ang kanilang nakita sa lugar kabilang ang ilang sirang piyesa ng sasakyan, ilang bahagi ng sirang refrigerator, at ilang sako ng basura.
Ito aniya ang unang pagkakataong nahuli ang dalawa at pang-siyam na sa mga nahuli o naaktuhan ng Barangay Officials.
Sa ngayon, inaalam na nila kung may kaugnayan o nagtatrabaho ba sa junk shop ang nasabing mga menor de edad para mapanagot kung sino ang may-ari.
Papatawan nila ng multa at community service ang mga iligal na nagtatapon ng basura alinsunod sa nakasaad sa RA 9003.
Dahil sa insidente ng pagtatapon ng basura, mas paiigtingin pa nila ang pagbabantay kasama ang mga Barangay tanod at iba pang opisyal ng Barangay sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang kaparehong insidente.
Babala niya, sa Enero inaasahang maikakabit na ang CCTV camera sa lugar para mas mapadali ang panghuhuli sa mga nagtatapon ng basura sa maling tapunan.











