--Ads--

‎Isinagawa ang mall tour tampok ang mga kandidata ng Queen Isabela 2026 bilang bahagi ng opisyal na aktibidad ng prestihiyosong patimpalak.

‎Lumahok sa nasabing mall tour ang tatlumput isang kandidata na pormal na nagpakilala sa publiko at nagpakita ng kanilang kumpiyansa at kahandaan habang papalapit ang Grand Coronation Night na nakatakdang idaos sa January 21, 2026 sa Queen Isabela Park, Ilagan City.

‎Layunin ng aktibidad na mas mapalapit ang mga kandidata sa komunidad at maipakita ang kanilang personalidad at dedikasyon sa kompetisyon, na itinuturing na isa sa pinakamalalaking provincial pageants sa lalawigan ng Isabela.

‎Isa sa mga kandidata ay si Binibining Sandrine Desiree Cristobal na nagmula sa Cauayan City. Ipinahayag niya na patuloy ang kanyang paghahanda sa pamamagitan ng personal training at patuloy na pagpapahusay ng kanyang communication skills, confidence, at self-care bilang bahagi ng kanyang pageant journey.

‎Ayon kay Cristobal, hindi maiiwasan ang pressure sa isang kompetisyong tulad ng Queen Isabela, lalo na’t mataas ang antas ng kompetisyon. Gayunpaman, mas nangingibabaw umano ang kanyang motibasyon, partikular na ang suporta ng mga taong naniniwala sa kanyang kakayahan. Dahil dito, nananatili ang kanyang paniniwala na may kakayahan siyang makuha ang back-to-back crown para sa Cauayan City.

‎Ibinahagi rin ni Cristobal na pansamantala siyang nagbitiw sa kanyang trabaho bilang nurse upang makapagbigay ng buong oras at atensyon sa kompetisyon. Ayon sa kanya, nangangailangan ng mataas na antas ng commitment ang Queen Isabela, lalo na’t itinuturing niyang seryoso ang pageant sa paghahanda ng mga kandidata para sa mas malalaking platform sa hinaharap.

‎Bagama’t ito ang kanyang unang pagsali sa isang provincial pageant, inamin ni Cristobal na patuloy pa rin siyang nasa proseso ng pag-aadjust at paghubog sa sarili, ngunit determinado siyang mag-improve sa bawat yugto ng kompetisyon. Dagdag pa niya, tulad ng ibang kandidata, hangad din niyang makuha ang korona at handang magsakripisyo para rito.

Samantala, ‎Tampok sa isinagawang Mall tour ng Queen Isabela 2026 ang pinakabatang kandidata ng kompetisyon matapos niyang ipakita ang kumpiyansa at determinasyon sa harap ng publiko sa isang malaking establisyemento sa Cauayan City ngayong araw.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Binibining Dianna Mhae Tumaliuan, 17 years old at Pambato ng Bayan ng San Pablo, sinabi nito na itinuturing niyang mahalagang karanasan ang makasama ang mga mas may edad at mas bihasang kandidata sa patimpalak.

‎Ipinahayag ni Tumaliuan na ang pagmamasid sa kanilang postura, galaw, at pagdadala ng sarili ay nagsisilbing gabay at inspirasyon upang lalo pa niyang paghusayin ang sariling performance.

‎Dagdag pa niya, bilang pinakabata sa hanay ng mga kandidata, mas lalo siyang nahihikayat na magsikap at ipakita ang kakayahan sa kabila ng kakulangan sa karanasan kumpara sa iba. Para sa kanya, ang paglahok sa isang provincial pageant tulad ng Queen Isabela ay isang malaking hakbang sa kanyang personal na pag-unlad.

‎Ipinakita ni Tumaliuan ang maayos na pagdadala ng sarili at pakikisalamuha sa publiko, bagay na ikinatuwa ng mga manonood at tagasuporta. Makikita rin ang kanyang aktibong pakikilahok sa mga aktibidad na naglalayong mailapit ang mga kandidata sa komunidad.