CAUAYAN CITY – Nagsasagawa ng mga serye ng consultative meeting ang Department of Health o DOH region 2 para ipaliwanag kung bakit hindi dapat na matakot ang mga magulang sa regular na immunization na ibinibigay sa mga sanggol sa mga barangay health center at rural health unit (RHU).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Medical officer Romy Turingan ng DOH Region 2 na bumaba ng 25% hanggang 50% ang accomplishment ng mga barangay at rural health unit sa immunization program ng pamahalaan.
Ang itinuturo nilang rason kung bakit mababa ang kanilang mga nabakunahan ay ang pangamba ng mga magulang sa magiging epekto ng bakuna sa kanilang mga anak dahil sa kontrobersiya na dulot ng Dengvaxia vaccine.
Iginiit ni Ginoong Turingan na dapat sana ang adbokasya ng mga barangay at rural health center ay ipaliwanag sa mga magulang na ang regular immunization ay napatunayan na walang komplikasyon tulad ng dengvaxia.
Inamin ni Ginoong Turingan na maging sa mass deworming ay bumaba ang accomplishment dahil sa dengvaxia kaya nagsasagawa sila ng serye ng consultative meeting upang ipaliwanag ang kabutihang dulot ng mga bakuna sa ilalim ng regular na immunization.
Tiniyak ni Ginoong Turingan na patuloy ang kanilang monitong lalo na’t tumaas ang bilang ng kaso ng dengue sa region 2 at nangunguna dito ang isabela.