CAUAYAN CITY – Nagpatawag ng pagpupulong ang pamahalaang lunsod sa mga punong barangay at mga negosyante ng baboy upang maagapan ang kumakalat na fake news na may African Swine Fever (ASF) na sa lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernard Dy, sinabi niya na nagdudulot ng pangamba sa mga hog raisers ang kumakalat na fake news na dahilan upang ipagbili na nila ang lahat ng kanilang alaga sa murang halaga.
Nilinaw ng punong lunsod na wala pang ASF sa Cauayan at wala pang ipinapatupad na culling sa mga baboy.
Idinagdag pa niya na kung sakali mang magkaroon ng kaso ng ASF sa lunsod ay mismong ang pamahalaang lunsod ang maghahayag nito.
Nagbabala rin si Mayor Bernard Dy na huhuliin ang mga nagpapakalat ng pekeng impormasyon at kakasuhan ng economic sabotage na walang piyansa.
Maliban sa mga nag-aalaga ng baboy, buy and sell at nagtitinda ng karne ng baboy ay ipinatawag din sa naturang pagpupulong ang mga opisyal ng barangay dahil sila ang mga nakakakita sa mga nangyayari sa kanilang nasasakupan.
Muli namang ipinanawagan ng punong lunsod sa mga residente ng Cauayan na ipadaan lahat sa slaughter house ang mga kakataying baboy ng mga inaasahang pagdiriwang ng pista sa mga barangay at maging sa okasyon upang maiwasang makapasok ang ASF sa lunsod ng Cauayan.
Nilinaw din ni Mayor Bernard Dy na hindi totally ban ang ipinapatupad ngayon sa lunsod ng Cauayan.
Aniya, pinapayagan pa rin ang mga karne ng baboy na makapasok sa lunsod basta kumpleto ang papeles nito na nagpapatunay na wala itong ASF.













