CAUAYAN CITY – Naitala ng Bureau of Fire Protection ( BFP )ang pagbaba ng mga nagtitinda ng mga paputok sa bansa ngayong 2018.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Supt. Joan Vallejo, spokesperson ng BFP, sinabi niya na batay sa kanilang datos, mayroon lamang pitumpu’t isang sellers/dealers ng paputok ngayong 2018 na mas mababa kung ihahambing noong 2017 na nakapagtala ng pitumpu’t anim na sellers/dealers ng paputok.
Ito ay dahil aniya sa maling pagkakaunawa sa ipinalabas na Executive Order 28 ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw niya na nakasaad lamang sa Executive Order 28 na ipinagbabawal na ibenta ang mga paputok na masyadong malalakas at mapaminsala.
Batay pa sa datos ng BFP ngayong 2018, umabot lamang sa 70.70 percent o labing walo ang naitalang insidente ng sunog dahil sa paputok sa bansa na mas mababa kumpara noong2017.
Samantala, hinigpitan ang pagkuha ng Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) upang matiyak na hindi magdudulot ng sunog ang mga ibebenta at mga stalls na lalagyan ng paputok.
Kaugnay nito, ipinaalala sa lahat na mag-ingat para sa masaya at ligtas na pagdiriwang ng pasko at bagong taon.