CAUAYAN CITY – Nagdonate ang Commuinity Environment and Natural Resources (CENRO) sa Nagtipunan, Quirino ng mahigit 180,000 na halaga ng mga nasamsam na nilagareng kahoy sa ilang pasilidad para gawing isolation room sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CENRO Taripato Sagun ng Nagtipunan, Quirino, sinabi niya na batay ito sa probisyon ng Republic Act 11469 o Bayanihan Act na puwedeng mag-donate ng mga nasamsam na iligal na pinutol na kahoy para gawing isolation facilities.
Bukod dito ay mayroon ding naging kautusan ang central office ng Department of Natural Resoirces (DENR) na sila ay magdonate.
Ayon kay CENRO Sagun, noong Mayo 22, 2020 ay nakapagdonate sila ng 146 na piraso sa LGU Maddela na may 3,440.66 board feet o 8.11 cubic meters.
Noong Mayo 26, 2020 ay nakapagdonate sila ng 48 na piraso na may 1,012 board feet o 2.38 cubic meters sa Maddela District Hospital.
Mayroon din silang naidonate na 20 piraso noong June 8, 2020 na may 325 board feet o .26 cubic meters.
Noong June 25, 2020 ay nakapagdonate ulit sila sa Maddela District Hospital ng 81 piraso na may 1,481.67 board feet o 3.49 cubic meters.
Sa kabuuan ay nakapagdonate sila ng 6,259.33 board feet o 14.74 cubic meters na may halagang 180,855.21.
Gayunman, ayon kay CENRO Sagun kailangang mag-request ang mga mangangailan bago sila magdonate.
Dagdag pa niya na hanggang 10 cubic meters lamang ang puwede nilang ibigay.
Kung mas mataas ay ang PENRO, regional at central office ng DENR na ang mag-aapruba.
Tiniyak naman ni CENRO Saguan na ang mga kahoy na kanilang ibinibigay ay pag-aari na ng pamahalaan.
Pinaghahain nila ng completion report ang mga humiling para makita nila kung saan napunta ang mga kahoy na kanilang idinonate.






