CAUAYAN CITY- Muling tinututukan ngayon ng Public Order and Safety Division ang mga naglipanang namamalimos na mga Badjao sa Cauayan City, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin na paulit ulit na ang kanilang paalala sa mga nahuhuli nilang namamalimos sa bahagi ng Pribadong Pamilihan sa Lunsod na minsan ay isinasama pa ang mga sanggol at bata.
Aniya ang mga nahuhuli ay ipinapasakamay sa tanggapan ng City Social Welfare and Development kung saan dito inaalam kung ano ang kanilang address at kung kabilang ba sila sa anumang programa ng Lokal na Pamahalaan habang ang mga namamalimos na hindi residente ng Lunsod ay kanilang pinapakain bago ihatid sa kanilang tinitirahan sa Lunsod ng Santiago.
Sa pinakahuling impormasyong natanggap ng POSD karamihan sa mga Badjao sa Lunsod ng Santiago ay pinaalis na sa naturang Lunsod kaya nagkalat na ang mga ito dahil may ilang nakatira na rin aniya sa Roxas, Isabela.