Natanggal at naihukay na ang mga namatay na baboy na basta na lamang iniwan o itinapon ng may ari ng Piggery (Rancho Oro) at nagdudulot ng masangsang na amoy sa mga kabahayan sa Brgy. Sinippil at Casalatan, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kapitan Rubyline Sagun ng Barangay Sinippil Cauayan City sinabi niya na unang nakita ng mga residente ang napakaraming bilang ng namatay na baboy ang basta na lamang itinapon ng piggery farm sa likod nito at hindi man lang inihukay upang hindi mangamoy at makaapekto sa mga residente maging sa kalapit na barangay ng Casalatan.
Agad siyang nakipag-ugnayan sa manager ng piggery farm at sinabi naman umano nitong aayusin ngunit maaring dahil sa kakulangan ng trabahador ay hindi pa rin maayos ang paghuhukay sa mga namatay na baboy dahil sa pneumonia.
Ayon sa mga trabahador ng Piggery napuno na ang pinagtatapunan nila ng namatay na baboy at sa kanilang pinagtapunan ay nasa labing limang baboy na rin ang itinapon at hindi na naihukay ng maayos.
Ilang residente rin ang nagdulog sa nasabing usapin sa Bombo Radyo Cauayan.
Nakipag-ugnayan siya sa LGU Cauayan City, DOH at City Veterinary Office dahil apat na araw na nilang nararanasan ang hindi magandang amoy na dulot ng mga itinapong namatay na baboy.
Agad naman itong inaksyunan ng lokal na pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na matapos nilang mabalitaan ay agad silang nagtungo sa piggery farm at nagdala na rin ng mga equipment para maihukay ang mga namatay na baboy.
Ayon sa mga trabahador ng farm nasira ang kanilang water supply at nagmalfunction ang kanilang aircondition units kaya nagkasakit ng pneumonia ang ilang mga baboy.
Aniya hindi ito ang unang pagkakataon na inireklamo ang nasabing piggery farm dahil maraming residente rin ang nais nang ipasara ito dahil sa masangsang na amoy na nagmumula rito lalo na kapag harvest season.
Natutugunan naman aniya ito kaagad at nawawala rin ang hindi kagandahang amoy ngunit nitong mga nakalipas na araw ay nagdulot na naman ng perwisyo sa mga residente.