--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala ang Philippine Army na may kaugnayan ang mga rebeldeng NPA sa mga natuklasang plantasyon ng marijuana sa Tinglayan, Kalinga.

Ang 15 plantasyon ng fully grown marijuana sa Barangay Buscalan at Loccong, Tinglayan, Kalinga ay tinatayang nagkakahalaga ng labimpitong milyong piso.

Ang mga ito binunot at sinira ng pinagsanib na puwersa 50th Infantry Batallion Philippine Army, mga tauhan ng PDEA Cagayan at Cordillera Administrative Region at mga kasapi ng Tinglayan Police Station.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Army Captain Jefferson Somera, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infatry Division Philippine Army na kasama ang puwersa ng militar sa anti-drug operation para magbigay ng dagdag seguridad laban sa umanoy presensiya ng mga kasapi ng NPA.

--Ads--

Bagamat hindi pa natutukoy ang may-ari ng mga tinanimang lupa, may posibilidad na hawak ng mga NPA ang naturang taniman ng mga marijuana at maaaring isa ito sa kanilang pinagkukunan ng pera.

Ayon kay Capt. Somera, may nakuha silang impormasyon na umiikot umano sa cordillera at region 2 ang bentahan nila ng marijuana.

Ang pagkakatuklas ng mga plantasyon ng Marijuana sa Tinglayan, Kalinga ay ikalawa ngayong taon.

Ang una ay noong February 11, 2018 nang sirain ang 14.5 million pesos na halaga ng mga fully grown marijuana, pinatuyong dahon at buto ng Marijuana.