
CAUAYAN CITY – Biglang lumobo ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 kaya ibayong nag-iingat ang mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jackie Aquino, OFW sa Hong Kong, sinabi niya na limitado ang oras ng kanilang paglabas.
Kapag nagpupunta sila sa palengke ay dapat dalawang oras lang.
Ayon kay Ginang Aquino, may walong OFW ang nagpositibo sa COVID-19 ngunit hindi agad na-admit sa ospital dahil punung-puno na ang mga ito bunsod ng mataas na kaso ng COVID-19.
Ang apat mula sa walong OFW ay nasa tent.
Nagsimulang tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa Hong Kong bago ang pagdiriwang ng Chinese New year.
Nagpadala na ang China ng mga karagdagang doktor at nurse sa Hong Kong dahil sa maraming kaso ng COVID-19.
Ayon kay Ginang Aquino, ang hindi magandang epekto ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Hong Kong ay ang pag-terminate ng employer sa mga OFW na tinamaan ng virus.
May mga employer naman na inilalagay sa quarantine facility ang OFW na tinamaan ng COVID-19 at kapag gumaling na ay nakakabalik sa trabaho.
Dumulog na sa konsulada sa Hong Kong ang mga OFW na tinanggal ng amo matapos tamaan ng COVID-19.




