CAUAYAN CITY – Nagkakaisa ang mga Filipino Community sa nasabing bansa upang makapagbigay ng tulong sa kanilang kababayang apektado ng digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas Militants.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Maricel Arcebuche, sa pamamagitan ng mga Filipino Community sa Israel ay nalalaman nila ang sitwasyon ng mga OFWs na nasa mga lugar na pinangyayarihan ng labanan.
Aniya nasa Tel Aviv siya kung saan may mga umaabot na rocket na pinapalipad ng mga Hamas kaya hindi sila nakakalabas ng bahay ngunit hindi na gaano hindi katulad noong mga unang araw ng pag atake na laging tumutunog ang mga sirena upang paalalahanan silang magtago sa mga bomb shelters.
Nang mabalitaan umano nila ang pagkasawi ng dalawang pinoy ay nagsagawa sila ng pangangalap ng donasyon na ibibigay sa pamilya ng mga nasawi.
Tiniyak naman niya na nasa ligtas silang kalagayan sa Tel Aviv at hindi sila pinapabayaan ng kanilang mga employer.
SAMANTALA Inihayag ng isang OFW sa nasabing bansa na nasa ligtas silang lugar at hindi buong bansa ang nagkakaroon ng bakbakan ng mga Israeli Forces at Hamas Militants.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Harold Agbayani na nasa Haifa Israel sinabi niya na naalarma lamang sila kahapon nang magkaroon ng False Alarm habang ang mga pinapatunog na sirena bilang alarma sa mga rocket attack ng Hamas ay sa mga kalapit nilang mga lugar.
Inaasahan nilang ngayong Sabbath Day sa Israel ay magpapalipad na naman ng mga rocket ang Hamas patungo sa Israel kaya naghahanda sila upang magtago sa mga bomb shelter.
Una nang nagkaroon ng panic buying ang mga mamamayan sa kanilang lugar at maging sila ay bumili na rin ng stock ng pagkain at iba pang pangangailangan dahil malapit lamang sila sa mga nangyayaring labanan.
Wala namang balak si Ginoong Agbayani maging ng iba niyang kaibigan na nasa Israel na sumama sa repatriation ng pamahalaan dahil nasa ligtas naman silang lugar at inaalala rin nila ang kanilang magiging trabaho kapag umuwi ng Pilipinas.




