
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsasagawa ng kilos protesta ang mga Overseas Filipino Workers (Ofw’s) na hindi sumasang-ayon sa 3% increase at mandatory contribution sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth).
Mahigit 70,000 na OFW’s sa Italy ang lumagda na sa “No mandatory Membership/contribution ng Philhealth”.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Rhoderick Ople, ang presidente ng OFW Watch Italy ay nanawagan sila na amyendahan na ang Republic Act 11223 o Universal Health Care Law at ipinababasura nila ang Philhealth Circular 2020-0014.
Karamihan aniyang lumahok sa kilos protesta ay mga OFWs sa Milan, Florence at Genova upang ihayag ang kanilang pagtutol sa pagpapatupad ng 3% increase ng mandatory contribution sa Philheath .
Itinuturing ng mga OFWs sa Italy na banta sa kanilang sahod ang pagtaas ng kanilang kontribusyon sa Philhealth dahil 10 taon nang hindi tumataas ang kanilang sahod sa Italy ngunit tumaas ang antas ng standard of living sa nasabing bansa.
Binigyang diin ng nasabing samahan na bakit silang mga OFWs ang pinagdidiskitahan ng pamahalaan gayong maaari namang kunin na lamang ang pondo mula sa Department of Health (DOH), Philippine Offshore Gaming Operation (POGO), pork barrel ng mga mambabatas at sa intelligence fund ng pamahalaan.
Iminungkahi rin nila ang pagbawas sa bonus ng mg Chief Executive Officers (CEO) ng mga Government-Owned and Controlled Corporation.




